1.Ang Shahadatain (Ang Pagpapahayag ng Tunay na Pagsamba) Ang bagay na ito ay nakapaloob sa "kalima" ng mga Muslim. Ito ay nangangahulugan na "Wala ng ibang Diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang Sugo." Ito ay nangangahulugan ng purong pagsamba sa Iisang Diyos at di pagbibigay o pagsasama sa Kanyang kaisahan. Ano mang pananampalatayang nangangahulugan ng pagsamba sa ibang bagay, pagdaragdag sa mga "dinidiyos", pag-iidolo sa nga nilikha ng Diyos maging iyon man ay anghel, banal na espiritu, banal na tao o propeta, mga buhay at patay na bagay ay nasa labas ng Islam. Sa Islam, ang pagsamba ay tanging sa Allah lamang, tuwiran at walang sinuman ang makapamamagitan sa Kanya. Dahil dito ang pagsamba sa mga inaakalang mga tagapamagitan ng Diyos ay malayo sa pananampalatayang Islam. Gayundin naman ang pagkilala sa pagkapropeta ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ang pagsunod sa kanyang mga yapak bilang pamantayan ng isang makahulugang pamumuhay sa lahat ng paraan ay isang tungkulin ng bawat Muslim. Nararapat na sundin ng mga Muslim ang anumang bagay na itinuro ng Huling Propeta sapagkat ang Allah na rin ang nagpahayag sa Qur’an ng:
"Talikdan ninyo ang kanyang mga ipinagbabawal at sundin ang kanyang ipinag-uutos." [Quran, 59:7]
“Siya na sumusunod sa Sugo ay sumusunod sa Allah..” [Qur’an, 4:80]
Subalit ang pagpapahayag ng pananampalataya ay hindi nababatay lamang sa paniniwala sa isang tunay na Nag-iisang Diyos at pagkilala sa Huling Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang Islam ay hindi isang pananampalatayang sinasabi lamang ng bibig o ibinabadya ng dila o isang akademyang aralin lamang na dapat matutuhan. Ito ay nangangahulugan ng pagtalima sa mga bagay na ispirituwal at moral, ang pagiging makahulugan ng buhay, ang pagiging kapaki-pakinabang natin bilang nilikha ng Allah. Ang pakikipagkapwa at paggamit sa mga kapangyarihan ng isip sa kaaya-ayang bagay, ang makabuluhang paggamit ng Kanyang mga biyaya at ang pag-ibig sa Allah na laging may init at buhay sa dibdib.

Ang Salah (Pagdarasal)
Kung ang bagay na kinakain natin para sa ating sikmura ay pagkain ng katawan, gayon din naman ang Salah ay pagkain ng kaluluwa. Sa Islam, ang pamumuhay ay isang balanseng bagay na pagkatawan at pang-ispirituwal. Ito ay naglalayon na dapat tayong magkamit ng mabuting bagay dito sa lupa at maging sa kabilang buhay. Ang Islam ay hindi isang makalupang buhay at hindi rin naman makaispirituwal lamang. Ang Islam ay nagtuturo sa pagkakaroon ng balanseng pisikal at ispirituwal na pamumuhay. Kaya nga't ang buhay na monastiko ay walang puwang sa Islam. Gayundin naman ang lubhang makamundong buhay ay wala ring puwang sa Islam. Kaya nga’t sa bawat dasal ng Muslim ay lagi na ang pagsambit sa ganitong parirala: "O Allah!, bigyan mo po kami ng mabuting bagay dito sa lupa at ng mabuting bagay sa kabilang buhay." Ang Muslim ay mayroong limang (5) takdang pagdarasal sa araw-araw. Ang pag-alaala tuwina at pagtawag sa Kanya ng limang beses sa maghapon ay naglalayo sa sinuman sa tukso at kasalanan. Ito ay nagpapadalisay sa puso at nagbibigay ng mataas na moral. Ito ay isang mabisang kalasag o panangga sa bawat tao upang lagi niyang maisaisip na mayroong isang Makapangyarihang Diyos na nagmamasid sa kanyang ginagawa sa lupa. Ito ay nagpapanatili upang laging malusog ang ating kaluluwa. Ito ay nagpapatibay ng moog ng pananampalataya at nagbibigay ng paghahanda tungo sa araw ng pakikipagtipan sa Allah.
Winika ng Allah sa Qur’an:
“At lagi nang magtatag ng palagiang pagdarasal, sapagkat ang pagdarasal ay nakapagpapaiwas sa kahiya-hiyang pananalita at di makatarungang asal, datapuwa’t ang pag-aalaala sa Allah ay higit na dakila”. [Qur’an, 29:45]
“Katotohanang Ako ang Allah, wala ng iba pang diyos maliban sa Akin, kaya’t sambahin ninyo Ako at magtatag ng palagiang pagdarasal bilang pag-aalaala sa Akin”. [Qur’an, 20:14]

Ang Sawm (Pag-aayuno)
Ito ay isang taunang obligasyon ng bawat Muslim na may sapat na gulang at kalusugan ng katawan tuwing buwan ng Ramadhan. Ang pag-aayuno sa Islam ay pagkakait sa sarili ng anumang pagkain, inumin at relasyong seksuwal mula sa oras ng bukang-liwayway hanggang takipsilim. Ito ay isang disiplina sa mga Muslim sa buong buwan. Ang Allah ay nagpahayag sa Qur’an sa kahalagahan ng pag-aayuno:
"O kayong nagsisisampalataya!, ang pag-aayuno ay iginawad sa inyo kung paano rin naman iginawad sa mga nangauna sa inyo upang kayo ay magkamit ng kabanalan (at mapaglabanan ang tukso)". [Quran, 2:183]
Samakatuwid, ang layunin ng pag-aayuno ay hindi para lamang magpakagutom. Sa Muslim, hindi lamang ang sikmura ang nag-aayuno kundi ang lahat ng bahagi ng kanyang katawan tulad ng mata, tainga, dila, kamay at paa na umiiwas sa lahat ng masasama at kasalanan. Bagama’t ang Muslim ay nagtatamo ng paghihirap sa pag-aayuno, sa kabila noon siya ay maligaya sa pagtupad nito sapagkat ito ay isang bagay na ginagawa niya upang magtamo ng kasiyahan ng Allah. Ang pag-aayuno ay isang bagay na pangdisiplina sa sarili upang mapaglabanan ang mga tukso. Gayundin, upang magkaroon ng sapat na pagtitimpi sa anumang tukso o pagsubok na maaaring dumating sa buhay. Ito ay mabisang bagay upang lagi nang sumaisip ang pag-ibig sa Allah at isang matibay na pananggalang upang lagi tayong makaramdam ng pagkatakot sa Diyos. Hindi pagkatakot sa isang halimaw o multo kundi pagkatakot dahil sa pagmamahal natin sa Kanya. Ito ay isang kalasag sa masasamang naisin at isipin. Sa buong maghapong pagkakait niya sa kanyang sarili ay nagkakaroon siya ng lalong maaliwalas at bukas na isipan upang kanyang mapaglimi ang mga bagay na ispirituwal. Ito ay isang paraan upang makapagturo sa tao sa pagiging maawain at matulungin sa kanyang kapwa sapagkat sa kanyang pagkagutom ay nadarama niya kung paano ang dinaranas ng mga kapus-palad. Ito ay isang obligasyon na pantay at makatarungan na kung saan ang Muslim maging ano man ang kanyang katayuan sa buhay, mahirap man o mayaman, mahina man at malakas, taga-Silangan man o Kanluran ay nagdaranas ng magkakatulad na pagpapakasakit.