Ang Zakah ay hindi lamang boluntaryong pagbibigay sa mga nangangailangan kundi isang obligasyong itinakda ng Allah. Ito ay hindi lamang naglalayon ng tulong pagkawanggawa, limos o kabutihan kundi isang paraan ng paglilinis sa mga kinita o kabuhayan. Samakatuwid ito ay ang paghihiwalay ng bahagi ng iyong kabuhayan para ipamahagi sa ibang mga Muslim na nangangailangan. Ito ay naglalayong isubi ang bahagi ng iyong kabuhayan na di matatawag na iyo sapagkat iyon ay nararapat na ipamahagi sa mga mahihirap at nangangailangan, sa mga ulila at balo, sa mga napipiit dahil sa kawalan ng pangbayad, sa mga institusyong pang-Muslim, mga mag-aaral na Muslim na walang salaping panustos at gayundin naman sa pagpapalaganap ng Islam. Ang Zakah ay ibinibigay ng hindi bababa sa dalawa at kalahating bahagdan (2.5%) sa bawat taon salig sa linis na kita o halaga ng mga ari-arian. Ang Zakah ay isang obligasyong dapat tuparin ng sinumang Muslim sapagkat iyon ay itinakda ng Allah at ang bawat Muslim ay tuwirang may pananagutan sa Kanya kung hindi niya magampanan ito. Ngunit sa mga Muslim na walang masasabing ipon o kabuhayan, ang pagbibigay ng Zakah ay hindi obligasyon. Ang Zakah ay isang uri ng pagkakapatirang walang makakapantay sa ibang relihiyon. Ito ay batay sa katapatan ng isang indibidwal na tao. Sapagkat ang Zakah ay obligasyon sa bawat taon, nararapat na ang isang Muslim ay maghalaga ng kanyang naipon o mga ari-arian. Ang tapat na Muslim ay humahanap ng kanyang mapagbibigyan, gayon din naman siya ay nagkukusang pumunta sa anumang tanggapan o Kagawaran ng Zakah sa kanyang lugar upang paglagakan nito. Anupa’t sa Zakah, ang pagkakaroon ng tagapagbayad at kolektor ay walang puwang sapagkat malaya ang isang Muslim na ipatupad ang Zakah sa kanyang sarili at humanap ng sa kanyang palagay ay nangangailangan ng tulong maging siya ay kamag-anak, kaibigan o kapitbahay. Kung sa palagay niya ay walang kuwalipikadong tao na tumanggap ng Zakah sa kanyang lugar, mailalagak niya ang kanyang Zakah sa anumang kagawaran o tanggapan ng Zakah na pinakamalapit sa kanyang lugar. Ang pagbibigay ng Zakah ay lagi nang binabanggit sa Qur’an kapag ang pagdarasal ay ipinag-uutos.
Winika ng Allah sa Qur’an:
“At maging matimtiman sa inyong pagdalangin; at magkaloob ng Zakah, at iyuko ninyo ang inyong ulo kasama ng mga nagsisipanikluhod (sa pagsamba)”. [Qur’an, 2:43]
“At magsipagtatag ng palagiang pagdarasal at magbayad ng Zakah; at sumampalataya sa Allah at sa Huling Araw; hindi magtatagal, sa kanila ay igagawad Namin ang malaking pabuya.” [Qur’an, 4:162]

Ang Hajj (Pagdalaw sa Makkah) Ang bawat Muslim, lalaki at babae, na may sapat na gulang, mabuting kalusugan at kakayahang gumugol sa paglalakbay ay nararapat na dumalaw sa banal na lugar ng Makkah, ang sentro ng Islam sa buong mundo, minsan man lamang (o higit pa) sa kanyang buong buhay. Ito ay nagbabadya ng pagkakaisa at pagkakabigkis-bigkis ng lahat ng mga Muslim at isang buong pagkakapatiran na walang makakapantay sa sangkatauhan. Ang pagtitipon-tipon ng lahat ng mga Muslim sa iisang lugar kahima't nanggaling pa sila sa silangan, kanluran, timog at hilaga ay pinag-uugnay ng Hajj. Dito ay hindi kinikilala ang anumang lahi, kulay ng balat, wika, kabuhayan at anumang bagay kundi ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao sa mata ng Allah. Ang lahat ng Muslim ay nag-aalay ng kanyang sarili sa harapan ng Allah sa iisang payak na kasuutan at sila ay gumagawa ng magkakatulad na gawang pagsamba. Ang pagpupuri sa Allah, pagdarasal, pag-aalaala, pagmemeditasyon, pagdedebosyon at pagsamba ay isinasagawa nang buong kaganapan. Dito ay mapagkikilala ang katapatan at hindi ang kapalaluan, kababaang-loob at hindi pagmamataas. Dito ay nagaganap ang pagtatagpo-tagpo ng buong sambahayan na kumikilala sa Allah at pagkakaroon ng pagkakataon na mapagkilala ang bawat isa at makapagpalitan ng kaalaman tungkol sa Islam. Ang Makkah ang siyang kauna-unahang bahay sambahan na itinatag sa mundo sa panahon ni Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) at pinagbagong bihis ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), kaya naman ito ang lugar na tagpuan ng mga Muslim. Ginugunita rin dito ang pagsasakripisyong ginawa ni Propeta Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa kanyang anak na si Ismail (sumakanya nawa ang kapayapaan) bilang pagsunod sa Allah. Layunin din ng Hajj ang mapagkilala ng mga Muslim ang kapaligirang ginalawan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Dahil nga ang Hajj ay naglalayon para sa pagsamba sa tanging Iisang Diyos, ang Allah, dito ay nakakamit ang debosyong pang-ispirituwal at nagpapatatag ng moral, pagkakaroon ng interes sa relihiyon at mga kaalaman. Ang pagtitipon-tipon ng mga Muslim sa banal na lugar na ito ay nagpapagunita rin kung paano rin naman ang sambahayan ng mga Muslim ay magtipon-tipon sa harapan ng Allah sa Huling Sandali—sa Araw ng Paghuhukom. Sa pagdiriwang na yaon, tinatayang dalawang (2) milyong Muslim ang sa bawat taon ay naglalakbay patungo roon mula sa lahat ng panig ng mundo. Anupa't ang Makkah ang tanging lugar na sambahan sa buong mundo na kailanman ay di nawawalan ng tao sa lahat ng sandali. Ang Allah ay nagpahayag sa banal na Qur’an:
“At inyong ganapin ang Hajj o Umra (pagdalaw sa banal na tahanan ng Allah na itinatag dito sa lupa) para sa paglilingkod sa Allah, datapuwa’t kung ito’y may hadlang sa inyo, kayo’y magpadala ng alay para sa sakripisyo...” [Qur’an, 2:196]
“Ang pilgrimahe ay isang tungkulin ng tao na dapat niyang ialay sa Allah,- sa mga may kakayahan na gumugol sa paglalakbay; subalit kung sinuman ang magtakwil ng pananampalataya, ang Allah ay hindi nangangailangan ng anuman sa Kanyang mga nilikha”. [Qur’an, 3:97]